Erich at Enchong, malakas ang chemistry
DINAGSA ng sandamakmak na fans ang premiere ng romantic comedy movie ng Star Cinema na I Do kamakalawa nang gabi sa SM Megamall Cinema 10.
Ang taas ng energy ng fans na panay ang tilian at parang kilig na kilig sa tambalang Erich Gonzales at Enchong Dee.
Si Mayumi Punongbayan (Erich) ay isang simpleng dalaga na nainlab sa binatang si Lance Anderson Tan (Enchong) na nanggaling sa isang may kayang Chinese family.
Naging masalimuot ang kanilang teenage love story nang hindi sinasadyang mabuntis si Yumi at mag-alinlangan si Lance na pakasalan ito.
Samu’t saring sitwasyon ang pinagdaanan ng magkasintahan bago sila humantong sa altar.
Pam-fans ang I Do kaya nag-enjoy dito nang husto ang mga tagahanga nina Erich at Enchong. Malakas ang screen chemistry ng dalawa at kapwa sila marunong umarte, hindi lang kami sure kung ito ‘yung tamang material para sa kanila.
Imbes na mga pa-sweet at pakilig lang na love story ay isyu ng buntisan o teenage pregnancy ang tema ng pelikula, gayong bagets na bagets pa sina Erich at Enchong.
Kasisimula lang nilang mag-date sa istorya ay biglang nabuntis na agad si Erich gayong kahit implied man lang ay hindi ipinakitang humantong sila sa kama at nagtalik.
Mabuti na lang at hindi seryoso ang atake rito ni Direk Veronica Velasco kaya hindi mo na lang din seseryosohin ang pelikula. May tendency na maging gag show o pinagdugtung-dugtong na comedy skits ang mga eksena.
Tawanan ang audience sa magulang ni Erich na sina Pokwang at Dennis Padilla, na pati mga eksenang drama ay nagiging comedy.
Hagalpak ang fans nang sabihan ni Dennis ang anak na si Erich na, ‘Magdala ka ng condom!’ imbes na magdala ng jacket sa date nila ni Enchong.
Bentang-benta sa audience ang mga one-liner ni Janus del Prado tungkol sa pag-ibig. Palakpakan ang fans sa hirit niyang ‘Ang pag-ibig, parang ipis na tinapakan. Akala mo patay na, ‘yun pala buhay pa!’ na mula umpisa ng movie hanggang sa ending ay hindi maubus-ubos ang kanyang quotable-quotes.
First movie ito ng PBB Double Up winner na si Melai Cantiveros, na gumaganap bilang isa sa mga kaibigan ni Erich. In all fairness ay ang lakas ng dating ni Melai at ang lakas ng tawanan ng mga tao ‘pag nasa eksena siya.
Klik na klik ang favorite line niyang ‘I know right?’ na kahit ‘yun lang ang paulit-ulit niyang linya ay tawa pa rin kami nang tawa.
Type namin ang comic timing at ang pagiging natural na komedyana ng hitad na si Melai, kaya sana ay bigyan na rin siya ng bonggang pelikula ng Star Cinema.
Base sa reaksyon ng fans nu’ng premiere night ay mukhang natuwa sila nang husto sa launching flick nina Erich at Enchong. Kahapon nagbukas sa mga sinehan ang I Do.
source: Abante Tonite








