Sa rami ng trabaho, Enchong at Erich sabay nagkasakit
Natutulog nang pasyalan namin kasama ang ilang movie press sa pamumuno ni Manay Ethel Ramos sa set ng kanilang ginagawang pelikula, I Do, sina Enchong Dee at Erich Gonzales. Halos wala pa silang tulog. Alas-sais ng umaga nang makatapos sila ng taping ng Magkaribal at pagkatapos ay dumiretso na sila sa shooting ng I Do na may playdate ng September 29.
Unang pagbibida ito ng magka-loveteam sa pelikula kaya malaki ang kaba ni Enchong. Panay ang tanong nito kay Erich kung kakayanin ba nilang dalhin ang movie pero ‘di tulad niya na medyo mahina ang loob, malakas ang fighting spirit ni Erich. Sinabi nito na gawin na muna nila ang pelikula at saka na lamang sila magtanong.
Inamin ni Enchong na may mga lovescenes sila ni Erich sa movie bagaman at hindi focused ang pelikula sa lovescenes kundi sa problema ng dalawang tao, kung paano nila itutuloy ang pagpapakasal nila. “Marami kaming kissing scenes pero ang mga ganitong scenes ay ordinary na lamang sa amin ni Erich. Minsan nga kahit hindi kailangan, naghahalikan kami,” anang aktor na ikinagulat namin dahil sinasabi niya na wala naman silang relasyong dalawa bukod sa pagiging magka-loveteam sa trabaho.
“Masyado pa kaming immature sa pag-iisip ni Erich, masyadong bata pa para pag-isipan ang isang seryosong relasyon. Hindi pa ngayon ang tamang panahon if ever. Napag-usapan nga namin na kahit kami ma-develop sa isa’t isa ay hindi namin itutuloy.
“Magkaibigan lang kami talaga. Sa Katorse nag-start ang friendship namin. Pati ‘yung madalas na tampuhan namin, tampuhang magkaibigan lang ‘yun, madaling mawala. Tulad nung nagkasakit ako at hindi niya ako dinalaw, nagtampo ako nun. We talked about it casually, tapos, tapos na, pangit ‘yung pinatatagal pa.
“Matagal nang plano itong I Do, pero because of our sked, hindi rin matuluy-tuloy. Okay na sana after gawin namin yung Sa ‘Yo Lamang pero sabay naman kaming nagkasakit ni Erich. Eto ngayon, minamadali namin dahil may playdate na,” kuwento pa rin ng aktor na sa rami ng projects niya ay wish na mabigyan din niya ng bahay ang mga parents nila ni AJ (Dee, isa pa ring aktor) who has given their parents their own house.
Tulad ni Enchong, komportable din si Erich sa kanilang tandem.
“Okay kami bilang magkaibigan, we support each other. Walang selosan, like when I did that lovescene with Coco Martin in Noy. Everyone thought dapat magselos si Enchong pero hindi, nagtaka lang siya kung paano ko ‘yun nagawa.
“Maski ang mga fans namin, very supportive. Hindi sila selfish, masaya na sila sa kung anong relasyon meron kami. Hindi nila kami itinatali sa kung anong gusto nila. Andun naman ang love kahit magkaibigan lang kami,” paliwanag ng aktres na naniniwalang kaya sila klik ay dahil totoo lang sila, walang pagkukunwari sa kanilang nararamdaman.
source: Philippine Star








