Enchong Dee on vehicular accident: “Wala akong kasalanan sa nangyari.”
Nabalita kamakailan na isang car accident ang kinasangkutan ng binatang actor na si Enchong Dee. Kaugnay nito, isang diumano’y biktima ng insidente ang humihingi ng tulong sa Kapamilya aktor.
Sinubukang kumpirmahin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang naturang pangyayari. Ayon sa mga dokumentong nakuha namin noong Huwebes, Agosto 26, totoong nagkaroon ng banggaan sa pagitan ng isang pampasaherong dyip, na minamaneho ni Miguel Oliveros, 30, at isang Mitsubishi L200 pickup truck, na minamaneho naman ni Ernest Lorenzo Dee, na tunay na pangalan ni Enchong, 21.
THE ACCIDENT. Naganap ang banggaan sa intersection ng Castro Street at Taft Avenue sa Maynila bandang 11:45 ng umaga noong Agosto 4.
Sa sinumpaang salaysay ni Enchong sa Manila District Traffic Enforcement Unit noong araw na ring iyon, binanggit niya na isang security guard ang sumenyas ng “Go” sa mga sasakyan mula sa Castro Street, kung saan siya galing. Nakahinto ang mga dyip sa kahabaan ng Taft Avenue mula Quirino Avenue, ngunit ang dyip na minamaneho ni Oliveros ay nagpatuloy.
Ayon sa salaysay ni Enchong sa police report, ito ang naging dahilan ng pagbangga ng sasakyan niya sa unahan at kanang bahagi ng dyip na minamaneho ni Oliveros.
Bukod sa pagkabangga sa dyip, tinamaan din ang pasahero nitong si Marlon Boñales, 28, na nakaupo sa nasabing bahagi ng dyip. Nagtamo ang biktima ng isang malaking hiwa at mga gasgas sa kanyang kanang paa.
Halos ganito rin ang naging salaysay ng security guard ng De La Salle University-Taft, ang tinutukoy ni Enchong sa kanyang statement, sa isang salaysay na isinumite sa head ng security detachment ng unibersidad.
TRAIN OF EVENTS. Ganito rin ang naging salaysay ng biktima nang sadyain siya ng PEP sa kanyang tahanan sa Muntinlupa noong Agosto 26.
Ayon sa kanya, papunta sana siya sa kanyang inaaplayang trabaho noong araw na iyon. “Nakasakay ako sa unahan ng dyip nang may biglang sumulpot sa kanang bahagi namin pasalpok sa akin. Di, bale galing sila sa Carlos Street sa La Salle-Taft. Papuntang Buendia kami, galing Quirino ‘yong jeep.
“Nakalawit kasi medyo ang paa ko [sa labas ng dyip]. Noong pagkapansin ko, hindi ko na nailag ang paa ko pero inabot pa rin, e. Medyo nakaladkad pa kasi napaabante pa ang dyip, e. Biglaan lang din kaya hindi ko na nailag.”
Agad naman daw siyang sinugod sa ospital ng dalawang guwardiya ng De La Salle University-Taft sa Ospital ng Maynila ilang saglit matapos ang aksidente.
Noong una raw, hindi niya pa alam na si Enchong ang nagmamaneho ng pickup truck na nakabangga sa kanyang sinasakyang dyip. “Kasi, sa sobrang sakit, hindi ko mamulat ang mata ko, e,” sabi niya.
Ano ang naging reaksyon ni Enchong?
“Hindi ko na alam kasi basta ang nararamdaman ko noon sobrang sakit ng paa ko. Ang nakita ko sa paa ko, wasak na ang pantalon ko at saka sapatos ko. Hindi ko pa nakita sa loob kasi nakasapatos nga ako. [Pagdating] sa hospital, pagkahubad ng medyas ko, nakita ko na nga na lawlaw na ang bukong-bukong.”
Tumulong ba si Enchong sa pagdala sa kanya sa ospital?
“Hindi pa kaagad,” sagot ni Enchong. “Ang ginawa nila, dumiretso sila sa Traffic Bureau para i-report. Pero sabi po sa akin ng Paparazzi [Sunday entertainment show ng TV5 kung saan unang nagpaunlak ng panayam si Marlon], hindi po nai-report sa [malapit na police station]. ‘Tapos, dumating sila Enchong doon [sa ospital], apat silang magkakabarkada. Hindi ko siya agad nakilala kasi ramdam ko pa rin ang sakit ng paa ko, e.”
Ayon sa isang nakakaalam sa mga pangyayari, hindi talaga makakasama si Enchong, pati na ang driver ng dyip, dahil hindi sila pinaalis sa lugar ng pinangyarihan ng aksidente para sa imbestigasyon. Ngunit sumunod din daw agad sa ospital sina Enchong.
Nang tanungin muli ng PEP kung ano ang naging reaksyon ni Enchong sa pangyayari, sinabi ni Marlon, “Ano siya, medyo malungkot po siya sa nangyari. Ayun nga po, parang hindi siya masyadong makausap ng ibang tao. Kasi doon ko lang din po siya nakilala [sa ospital] nang pagkaguluhan na siya ng mga nurse doon, e.”
VICTIM CRIES FOR HELP. Inamin ng biktima na nakatanggap siya ng tulong mula sa Kapamilya actor.
Noong araw ng aksidente, nagbigay ng P3,000 si Enchong para sa mga gastusin sa ospital. Matapos ang apat na araw, nagbigay naman ng saklay ang binatang aktor sa biktima sa pamamagitan ng kanyang kaibigang umano’y nagngangalang Robert Real. At noong Agosto 16, nagbigay muli ng P3,000 si Enchong sa pamamagitan pa rin ng kanyang kaibigan.
Subalit para kay Marlon, hindi raw ito sapat dahil bukod sa araw-araw na gastusin para sa gamot, nawala rin daw ang pagkakataon niyang magkatrabaho, na nakaapekto naman sa pamumuhay ng kanyang pamilya.
“Kasya ba ‘yong P3,000 na binigay nila?” reklamo ni Marlon. “E, panggamot pa lang nito halos kulang-kulang P1,000 na ang isang banig. Umiinom ako ng gamot nito, sa isang araw, tatlong beses. Lalo na ngayon, wala na akong gamot at panghugas sa sugat ko kaya medyo bumuka na siya, napabayaan na. Minsan umaasa na rin ako sa mga kapatid ko para mabigyan din ako ng gamot.”
FINAL ASSISTANCE? Noong huli raw na nagbigay, may pinapirmahan daw ang kampo ni Enchong sa kanya na isang kasulatan. Nakasaad umano rito na huling tulong na iyon na matatanggap ni Marlon mula sa aktor. Ito ay pinabulaanan ng source ng PEP mula sa kampo ni Enchong.
Sa dokumentong nakuha ng PEP, napatunayan ang pagbibigay ni Enchong ng unang P3,000 sa Traffic Bureau kaharap ang ilang pulis at kapatid ni Marlon. Mayroon din silang pinirmahan na kasulatan kung saan sinasabi ng biktima na hindi na siya magsasampa ng kaso laban kaninuman. Nakalagda rito ang kapatid ni Marlon at ang representative ng jeepney operator na si Merson Castillo.
Wala namang naipakita sa PEP si Marlon na kopya ng sinasabi niyang kasulatang pinapirmahan sa kanya nina Enchong. Ayon kay Marlon, hindi raw kasi siya binigyan.
Subalit, aniya, “Ang huli ko lang nabasa, huling bigay na raw nila ‘yong P3,000. Sa una, parang ayaw ko pirmahan, e. E, nasabi ko lang sa isip ko, tanggapin ko na lang kasi talagang walang-wala naman ako, e. Kailangan ko rin naman ng panggamot.”
Pero ayon muli sa source ng PEP, walang nakalagay sa nasabing kasulatan na huling tulong na iyon ni Enchong. Bagkus, bukas pa nga raw si Enchong na magbigay ng tulong kung kakailanganin pa.
Bukod sa kaibigan ni Enchong, tanging abogado lang daw ng aktor ang nakakausap at nakikita ni Marlon.
Ano ang sinabi ng abogado ni Enchong?
Salaysay ni Marlon, “Sabi ng abugado sa akin, wala silang pananagutan sa akin kahit na sila ang nakabangga sa akin. Siyempre ako, nanghihinaan na rin ako ng loob, e, sa pagpapagamot nito, e. Ang sabi ng abogado, third party raw ang pangyayari sa akin. Kumbaga, ang babayaran lang nila Enchong Dee ‘yong damage ng dyip. ‘Tapos sa akin, ‘yong dyip ang magbabayad. Halos hindi ko rin makontak ang operator ng dyip.”
Nakatanggap si Marlon ng P500 mula sa operator. Ito lang daw ang maibibigay ng may-ari ng dyip dahil maliit lang daw ang makukuha sa insurance na gagamitin sa pagpapaayos ng sasakyan at walang-wala rin daw siyang pera.
NO PLAN TO SUE. Sa panayam ng PEP, nilinaw ni Marlon na wala siya talagang intensyong lumapit sa media para makuha ang atensyon ni Enchong, pero nagsalita na rin siya, “para marinig na rin niya. Kasi kung alam lang din naman niya ang nangyayari sa akin ngayon, sana maawa naman siya. Kasi ako, talagang hirap na hirap ako. Hindi na nga ako sa kanila naghahabol, hinihintay ko na lang silang magbigay sa akin.
Wala rin daw siyang balak magsampa ng kaso dahil bukod sa mahabang proseso ito ay wala siyang pambayad sa abugado. Ang tanging hiling lamang niya ay makausap si Enchong.
“‘Yong sa abugado, medyo natatakot po ako,” sagot ni Marlon. “Kasi, kung magdedemanda raw po ako, wala raw po akong mapapala kasi mahaba ang proseso. Ang may pananagutan daw talaga dito ‘yong operator ng dyip. Siyempre ako, parang pinanghinaan din ako ng loob, e.”
Dagdag pa niya, “Gusto ko siyang makausap tungkol sa nangyari sa akin kasi may pamilya rin ako. Ang laki na nga ng utang ko. Ang gusto ko lang sa kanya, suportahan na rin ako kahit na ano sa kanya, kung hindi sila ang may pananagutan. Kasi, sa dyip rin naman, wala rin naman akong mapiga sa kanila, e. Gustuhin ko rin mang idemanda ‘yong dyip, naaawa rin naman ako sa kanila.”
Hiniling sa huli ni Marlon, “Kung magbibigay sila, isang bigayan na lang din para hindi na ako mahirapan na balik-balik doon.”
“WALA AKONG KASALANAN SA NANGYARI.” Ito ang mariing depensa ni Enchong sa esklusibong panayam sa kanya ng The Buzz host na si Boy Abunda na ipinalabas kanina, August 29.
Paliwanag ni Enchong, “Unang-una naka-stop na [sila], e. Kahit ‘yong mismong guard na on duty doon sa lugar na ‘yon na nagbigay ng report, sinasabi niya na wala akong kasalanan dahil nagpa-’Go’ na siya [sa direksiyon namin] and sumingit pa ang dyip.”
Kahit umano ang mga pulis na nag-imbestiga ay nagsabi na walang kasalanan si Enchong sa aksidente. Salaysay ng binatang aktor, “Sabi ng pulis na nandoon, siya ang may kasalanan, ‘yong jeepney driver ang may kasalanan because I was at the right place and sumunod lang ako.”
Sa usapin naman ng pagkakadamay ng pasaherong si Marlon sa pangyayari, sinabi raw ng awtoridad na ang driver ng dyip ang may kasalanan.
Sabi ni Enchong, “Nangyari ang aksidente dahil nakalabas ang paa niya sa dyip. Kaya sinasabi ng pulis na wala akong kasalanan dahil responsibilidad no’ng jeepney driver na sabihan ang mga pasahero niya na bawal ilabas ang paa sa sasakyan.”
Gayunpaman, hindi pa rin daw nagkulang si Enchong sa pagbibigay ng tulong sa biktima. Bukod sa mga naunang nabanggit na halaga ng pera at saklay, nagbigay din ng P700 ang binata sa biktima sa ospital noong araw ng aksidente.
Samantala, pinaliwanag naman ni Enchong kung bakit hindi siya nakaharap sa biktima nang humingi ito ulit ng tulong noong Agosto 15. Ito ay dahil sa pagkakaroon niya ng sakit na dengue.
Aniya, “I was admitted in the hospital on that same day. ‘Sige,’ sabi ko, ‘magpapadala ako through my friend because I can’t go out in the hospital.’ ‘Yon po ang panibagong P3,000 na binigay ko sa kanya. And prior to that, nag-text din siya na kailangan niya ng saklay. Nagpadala ulit ako. Nagtataka lang ako kasi with the first P3,000 that I gave, covered na lahat ng medical expenses niya even the gamot.”
Tinanong ni Boy Abunda kung totoong palaging ang abugado niya lang ang pinahaharap kay Marlon at pinapirmahan pa ito ng dokumento pagkabigay ng tulong pinansiyal.
Sagot ni Enchong, “Hindi po totoo ‘yon. Unang-una po, wala pong abugado na pinapadala sa kanya. Pangalawa, may pinapapirma sa kanya na natanggap niya ‘yong tulong.”
Ikinalungkot ni Enchong na sa ganitong paraan pa nauwi ang mga pangyayari. Sinubukan din niya umanong tanungin ang biktima kung bakit niya nabitiwan ang mga katagang “magpakalalaki ka” sa nauna niyang panayam noong Linggo, August 22.
Ang naging sagot daw ni Marlon, “Hindi raw aalis ang mga tao na nag-interview sa bahay nila hangga’t hindi siya nagsasalita.”
Bago matapos ang panayam, ito ang naging mensahe ni Enchong para sa naaksidenteng pasahero:
“Marlon, unang-una, sinabi mo na magpakalalaki ako. Siguro, kung hindi ako nagpakalalaki, noong oras pa lang na sinabi ng mga pulis na wala akong kasalanan, umalis na sana ako, hindi na sana ako tumulong. Nakakalungkot lang isipin kasi after all the help, ganito pa rin ang nangyari. Sana naiintindihan mo ang lahat ng nangyari.”
source: PEP








